Andal Ampatuan Jr. Photo
Andal Unsay Ampatuan Jr. A.K.A. “Datu Unsay” – Image Courtesy: writeteam295.weebly.com

Hinatulan ng guilty ng korte nitong Huwebes, Disyembre 19, ang magkapatid na sina Andal Unsay Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan sa 57 bilang ng kasong murder sa naganap na Maguindanao massacre noong 2009.

Sa 761-pahinang desisyon na inilabas ni Quezon City Regional Trail Court (QCRTC) Judge Jocelyn Solis- Reyes, pinatawan ang magkapatid na Ampatuan ng “reclusion perpetua” o pagkakakulong hanggang 40 taon na walang parole. 

Bukod sa kanila, kasama sa mga sinentensiyahan ng reclusion perpetua sina Datu Anwar “Datu Ipi” Ampatuan Jr., Datu Anwar Ampatuan Sr., at Datu Anwar sajid “Ulo” Ampatuan.

Hinatulan din ng “prision correctional” o hanggang sampung taon at walong buwang pagkabilanggo dahil sa pag-akto bilang accessory ang hindi bababa sa 14 na pulis na akusado habang absuwelto naman ang mahigit 20 na pulis dahil sa kabiguan na makapagprisinta ng ebidensiya laban sa kanila kabilang sina; Mohammad Sangki, Jimmy Ampatuan, at Jonathan Ampatuan.

Para naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na tumayo bilang abogado ng mga Ampatuan noong 2014, ang naging desisyon sa kaso ay patunay umano na nananaig pa rin ang batas kahit na Korte Suprema ang magbibigay ng pinal na hatol sa naturang kaso.

Giit pa ni Panelo na hindi na dapat maulit ang walang-awang pagpaslang.

Samantala, nakatakda namang mag-apela ang mga abogado ng mga akusado sa korte sa loob ng 15 na araw.

Facebook Comments