CYCP YOLANDA

HUMIGIT-KULANG 1,035,242 bahay ang nasalanta sa 44 probinsya at 9 na rehiyon sa gitnang Pilipinas nang humagupit ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Sa bilang na ito, itinala ng National Housing Authority (NHA) na umaabot sa 205,128 pamilya ang nangangailangan ng pabahay.

Bilang tugon, naglaan ang gobyerno ng Php. 75.68 B para sa Resettlement Cluster na siyang mamamahala sa pagpapatupad nito.

Tatlong taon makalipas ang delubyo, 32,919 housing units pa lamang ang naitatalang natapos (16% ng target) habang 108,875 naman ang ginagawa pa, at 63,334 ang hindi pa nasisimulan.

Sa ikatlong taon na pagunita sa trahedya, nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mabagal na implementasyon ng proyektong pabahay sa Tacloban.

Kamakailan lamang, nagpahayag ng anim (6) na Presidential Pronouncements ang pangulo upang matugunan ang maraming suliranin na ikinahaharap sa isyu ng pabahay.

Ayon dito: (1) lahat ng pabahay na may kinalaman sa Yolanda ay gagawing libre, (2) hindi maaaring i-demolish ang mga bahay nang walang relokasyon, (3) bigyang priyoridad ang onsite, in-city na relokasyon, (4) relokasyon na may kumpletong pampublikong pasilidad at serbisyo, (5)climate-resilient na mga bahay, at (6) magkaroon ng suporta sa trabaho at kabuhayan na naka-angkla sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo.

Noong ika-8 ng Agosto ng taon ito, inilabas ng Pamahalaang Duterte ang Administrative Order No. 5 na bumubuo ng isang Inter Agency Task Force – Yolanda (IATF-Yolanda), upang matutukan at matugunan ang lumalalang isyu sa lupa’t pabahay para sa mga Yolanda survivors.

Ang Community of Yolanda Survivors and Partners (CYSP) na siyang nagtulak ng pagkakaroon ng sentrong ahensya na magpaplano at mangangasiwa at magtitiyak ng ugnayan ng mga ahensya sa rehabilitasyon ng Yolanda areas ay nagpapasalamat sa pagbubuo IATF-Yolanda na ito.

Sa kabila ng mga pahayag at panukalang ito, patuloy pa ring umiiral ang maraming isyu sa proyektong lupa’t pabahay.

Ang CYSP, bilang kinatawan ng iba’t-ibang sektor sa Yolanda corridor kabilang ang mga informal settlers na nasa “No Build Zones”, ay inihahain ang sumusunod na mga isyu sa Congressional Public Hearing na ito upang mabigyan ng kaukulang tugon:

Ukol sa mabagal na pagpapatupad ng proyektong pabahay sa buong Yolanda corridor:

Sa kabila ng matapat na pangangasiwa ng mga proyektong pabahay sa Tacloban, hindi maikakailang 7% lamang ito ng target na pabahay sa buong kahabaan ng Yolanda corridor.

Tila hindi nabibigyang sapat na atensyon ang maraming pang lugar labas ng Tacloban. Halimbawa na lamang sa Eastern Samar, marami sa transitional shelters na kasalukuyan pa ring pinaninirahan ng mga tao makalipas ang tatlong taon, ay unti-unti nang nabubulok sapagka’t hindi naman ito dapat tinitirahan nang mas matagal sa anim na buwan. Bukod pa rito, may ilang probinsyang hindi pa nasisimulan ang proyektong pabahay kagaya ng Caraga, Masbate, at Southern Leyte .

Sa mga probinsya naman ng Palawan, Cebu, Southern Leyte, at Biliran, wala pang naitatalang natapos na bahay, bagama’t patuloy ang konstruksyon.

Ukol sa kalidad ng pabahay: Nagkaroon ng site inspection ang NEDA Region 8, RDC 8, CYSP, at ilang community monitors na mga kasapi ng iba’t ibang People’s Organization (PO), sa isinasagawang proyektong pabahay sa Balangiga, Eastern Samar, Ormoc, Tanuan, at Tacloban.

Ito ay bunsod sa inisyatiba ng mga PO at ng CYSP na i-report ang kalunos-lunos na kalidad ng mga bahay na itinatayo — malabnaw na timpla ng semento, mababaw ang pundasyon na halos isang dangkal lamang, at kaduda-duda ang kalidad ng materyales na ginamit at ang buong paggawa sa bahay.

Nang subukin ang tibay ng mga pader, umaalog-alog ang mga bahay kaya’t nabansagan itong “dancing houses.”

Ayon sa mga lider ng PO na ito, ang substandard na kalidad na ito ay bunga ng subcontracting, kaya’t tila tipid ang pagkagawa sa mga bahay. Sa Tacloban North naman, gumuguho ang mga pintuan at may mga bitak na sa bagong tahanan ng ilang mga resettlers.

Nababahala ang mga survivors sa kawalan ng kakayahan ng mga bahay na ito upang protektahan sila sa mga sakunang kagaya ng lindol o bagyo sa hinaharap.

Ukol sa layo ng pabahay at kawalan ng suportang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan sa pinagtatayuan ng relokasyon: Bukod sa kalidad ng pabahay, tila hindi rin isinasaalang-alang ang pagkakaroon ng suportang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan sa mga bagong relokasyon.

Sa nangyaring mass relocation noong Disyembre ng nakaraang taon, marami sa mga mangingisdang benepisyaryo ang araw-araw na bumabalik sa dati nilang paninirahan na malapit sa dagat upang maghanap-buhay.

Ayon sa kanila, hindi akma ang bagong relokasyon para sa mangingisdang kagaya nila na ang dagat ang ikinabubuhay. Bagama’t mabigat sa para sa kanilang bulsa na lakbayin ang distansyang umaabot sa 7 kilometro para lang makapagtrabaho, napilitan silang lumipat dahil tatanggalin daw sila sa listahan ng mga benepisyaryo kung hindi lilipat.

Marami rin ang bumabalik-balik sapagka’t pumapalya ang paghahatid ng tubig sa bagong relokasyon. May mga ulat rin ang ilang pamilya na nahinto sa pag-aaral ang kanilang mga anak dahil hindi kaya ng kanilang bulsa ang pagpapaaral ngayong malayo na ang kanilang tirahan.

Ukol sa kawalan ng mekanismo na magtitiyak ng partisipasyon ng mga tao at kakulangan ng ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno, mga LGU, at mga PO:

Ang mga nauna nang nabanggit na isyu patungkol sa kalidad, lokasyon, at kawalan ng suportang pangkabuhayan, ay bunga ng kawalan ng mekanismo ng tunay na pagpapalahok ng survivors sa proseso ng rehabilitasyoon, kung saan pinapakinggan sa proseso ang mga taong pagbibigyan ng pabahay.

Sa kabila ng inilatag na mga batas at polisiya upang tiyakin ang pakikilahok ng mga mamamayan sa usapin ng relokasyon, hindi ito nakikita sa aktwal na pagpapatupad ng proyektong pabahay.

Dahil dito, hindi nagkaroon ng agarang linaw ang lumitaw na isyu patungkol sa tamang “delineation” ng 40-meters No Build Zone, katulad na lamang sa Balangiga kung saan ang muhon ay hindi maayos na nailagak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbunga ng kalituhan sa kung sino ang dapat kasama sa listahan ng mga nasa “high risk zones.”

Hinggil sa isyu ng kawalang-koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno, LGU, at mga tao, isang pagpapatunay nito ay ang pagpapaalis ng mga komunidad sa No Build Zone mula Tacloban, Palo, hanggang Tanuan upang bigyang-daan ang Tide Embankment Project ng DPWH.

Ayon sa Urban Poor Associates, patuloy na pinapaalis ang mga tao sa kabila ng kawalang-siguridad ng kanilang relokasyon.

Wala ring pakikipagtulungan sa ibang ahensya ng gobyerno upang matugunan sana ang pangangailangan sa kabuhayan at serbisyong panlipunan sa mga bagong relocation sites. Gayundin, pareho ang disenyo ng pabahay ng residente sa urban at rural areas na walang pagsasaalang-alang sa konteksto ng lugar at kultura ng survivors na apektado sa pagbubuo ng pabahay.

Kaya’t kahit ang mga magsasaka ay nailalagay sa mga pabahay na tila nasa sentrong urban din sila.

Ukol sa isyu ng lupa para sa pabahay. Karamihan sa tinutukoy na dahilan ng mga local na pamahalaan kung bakit hindi nasisimulan ang proyektong pabahay sa ilan sa mga munisipyo sa Eastern Samar, ay ang kakulangan sa titulo ng lupa na pagtatayuan nito. 70% ng mga lupa sa Eastern Samar ay pinapatunayan lamang ng mga tax declaration.

Malaking suliranin ito sa pagpapasimula ng proyektong pabahay sapagka’t isa sa mga requirement ng COA ay tituladong lupa.

Bunga din ito ng nauna nang nabanggit na kakulangan ng ugnayan sa mga ahensya na maaari sanang tumulong sa LGU na mapabilis ang pagbibigay-titulo sa lupa.

Higit pa rito, wala ring puwang ang mga PO upang ihain ang kanilang mungkahing pagpapatayo na lamang ng evacuation sites bilang alternatibo sa relokasyon, kung ganoong nahihirapan ang lokal na pamahalaan na kumuha ng lupa.

Maaari rin sanang itayo ang pabahay sa mga lupain ng magsasakang titulado na makakabawas sa kabuuang gastos sa pabahay dahil hindi na bibilhin ang lupa at magtitiyak na ang beneppisyaro ng pabahay ay nasa lugar mismo ng kanyang kabuhayan.

ANG MGA PANAWAGAN NG CYSP

Sa pagsasaalang-alang at pagsusuri ng nabanggit na mga isyu, inihahain ng CYSP sa Congressional Public Hearing na ito ang mga sumusunod na posisyon:

1. Magkaroon ng Financial at Performance Audit sa pagpapapatupad ng proyektong pabahay sa kabuoan ng Yolanda Corridor.

Mahalagang magkaroon ng audit upang makita ang kabuuang kalagayan ng proyektong pabahay sa bawat rehiyon na naapektuhan ng bagyo, at upang matukoy at mabigyang-tugon ang mga isyu na patuloy na hinaharap.

Mahalaga ring mabigyang-linaw ang kaukulang badyet para dito — magkano na ang ginugol, magkano pa maaring gamitin para sa mga susunod na proyekto at programa, atbp.

Bukod sa pinansyal na audit, kailangan ding tingnan ang kalidad ng mga proyektong napatupad na, ang pakinabang nito sa sinong mga tao, atbp.

Sa ilalim ng audit maaari ring suriin muli ang mga polisiya kagaya ng No Build Zone Policy na tila hindi maayos na naipapatupad sa pagtatakda ng mga benepisyaryo sa pabahay.

2. Tiyakin ang aktibong pakikilahok ng at konsultasyon sa mga benepisyaryo ng pabahay.

Hindi sumasapat ang LIAC sapagka’t (1) may mga bayan na walang kakayahang magtaguyod nito, at (2) sa mga bayang mayroon ng LIAC, hindi pa rin nasisigurong nabibigyan ang mga tao ng sapat at makabuluhang pakikilahok.

Iminumungkahi ng CYSP na magkaroon ng Regional Inter-Agency Committee na siyang makikipag-ugnayan sa mga ahensya, LGU, at PO at may kakayahang tumugon sa mga kagyat na isyung hinaharap.

3. Suportahan ang mga housing People’s Plan, On-site/Near-site Resettlement.

Itigil na at huwag ng ulitin pa ang mga distant relocation projects ng pamahalaan. Ang distant relocation ay hindi tugon upang matugunan ang usaping pabahay.

Kailngan isinasaalng-alang ang distansya ng pabahay sa; kabuhayan, pangunahing pangngailangan gaya ng tubig at kuryente, paaralan, pagamutan, pamilihang bayan, at iba pa na matukoy na pangangailangan ng komunidad na kanilang kailangan upang mabuhay ng marangal at may dignidad.

4. Ipatigil ang Tide Embankment.

Ang proyektong ito ng DPWH ay isa na naman displacement para sa mga Yolanda survivors.

Ang mga relocation sites na lilipatan ng mga apektadong komunidad ay hindi handa at hindi akma sa mga taong lilipat; malayo ito sa kanilang hanap-buhay na pangingisda, walang tubig at kuryente, malayo hindi lamang sa mga paaralan ng kanilang mga anak kundi malayo ang kanilang lilipatan sa kabihasnan.

5. Magkaroon ng on-site Congressional Inquiry.

Binabanggit naming muli ang hinaing ng mga resettlers sa Tacloban North, “kung sa tingin ninyo makatao ito, ilipat niyo kami, pero samahan niyo kaming tumira.”

Mahalagang makita mismo ng gobyerno ang kalagayan ng mga pamilyang inilipat at mabigyang-patunay ang mga anomalyang inihahain sa kanya.

Higit pa, mahalagang makita ng mga tao na katuwang nila ang kanilang gobyerno sa pagsulong ng kanilang karapatan isang buhay, bahay, kabuhayan na makatao at makatarungan.

6. Magkaroon ng hiwalay na Congressional Inquiry sa usapin ng hindi natititulohang mga okupadong lupa ng mga survivors na siyang dahilan kung bakit hindi sila nabibigyan ng suporta sa kabuhayan at pabahay.

7. Magharap ang IATF-Yolanda ng bagong plano para sa Yolanda Reconstruction and Rehabilitation na magpapakita kung paano tatapusin ang hindi pa nagagawa, paano itatama ang mali, at paano papalahukin ang mga survivors, batay sa tapat na pagtatasa ng nagawa at mga kakulangan pa sa rehabilitasyon at rekonstraksyon.

8. Itulak ng Committee on Housing ang pagtitiyak na paglalaan ng pamahalaan ng pondo ang pagkumpleto ng rehabilitasyon sa Yolanda Avenue.

9. Gawing regular na gawain ng House Committee on Housing ang pagmomonitor sa ginagawang reconstruction upang matiyak na epektibo at mas mabilis ang proseso ng rehabilitasyon at reconstruction sa ilalim ng Duterte Administration.

Isinumite sa Committee on Housing and Urban Development na pinamumunuan ni Congressman Alfredo “Albee” B. Benitez, House of Representatives, Republic of the Philippines ngayon Unang Araw ng Setyembre 2017; Community Center, Real St., Sagkahan, Tacloban City.

 

ABOUT CYSP: The Community of Yolanda Survivors and Partners (CYSP) is composed of 163 community organizations of survivors and 10 NGOs that are Philippine partners of the Development and Peace/Caritas-Canada (D&P). These D&P partners at the forefront of Yolanda response and reconstruction include: Catholic Bishops Conference of the Philippines—National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA/Caritas Philippines), Agri-Aqua Development Coalition (AADC), Center for Environmental Concerns (CEC), Community Organizers Multiversity (COM), Focus on the Global South, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Educational Theater for the Arts (PETA), Pope Francis Village (PFV), Urban Poor Associates (UPA), Rural Poor Institute for Land and Human Rights Services (RIGHTS, Inc.)

 

Facebook Comments