Sa mga kapwa OFWs sa Saudi Arabia at Middle East, na sumusubaybay sa kalagayan ni OFW Rina –isang domestic worker dito sa Riyadh, menor de edad, na diumano minaltrato at pinahirapan, na-comatose, inoperahan sa utak para tanggalin ang blood clot, may malungkot na balita po tayong natanggap, kaya malungkot ang araw na eto!

Kahapon nakatanggap tayo ng impormasyon hinggil kay OFW Rina mula sa kanyang pinsan na si Henry.

Kinumpirma ni Henry na ang kanyang pinsan na si Rehana Lusay Bayan -tinago natin sa pangalang OFW Rina, 17 year-old, taga-Kabuntalan, Maguindanao, ay pumanaw na bandang alas 3:00 ng hapon, sa isang ospital dito sa Riyadh.

Ayon ka Henry, kahapon din sya tinawagan ng isang opisyal ng POLO-OWWA ipinarating sa kanya ang masamang balita ng pagpanaw ni OFW Rina.

Buong akala natin na makakapag-recover si OFW Rina matapos syang operahan tinanggal ang namuong dugo sa kanyang utak. Sa katunayan, matapos natin pagsumikapan na mailipat sya sa ospital, kinampanya rin natin ang blood donation para sa kanya at nasalinan sya ng sapat na dugo. Base sa mga ulat na natatanggap natin, may mga sintomas na makakapag-recover si OFW Rina.

Mula ng puspusang kinampanya natin ang pagsalba sa buhay ni OFW Rina, hindi na tayo nakakuha ng sapat o 1st hand na impormasyon hinggil sa kalagayan nya dahil pinagbawalan na tayo ng hospital na makapasok sa ICU para makita sya at maitanong sa mga medical staff ang kalagayan nya. Pinag-utos ng PH embassy at POLO-OWWA na huag magbigay ng anumang impormasyon sa kung sinu man hinggil sa kalagayan ni OFW Rina.

Kinukondena natin eto. Mariiing kinukondena natin ang walang proteksyon at pagpapabaya ng mga opisyal ng embahada at POLO-OWWA.

Kasabay ng ating pagkondena ang panawagang “Hustisya para kay OFW Rina!”.

Hinihimok natin ang gobyernong Aquino na sibakin ang mga pabayang opisyal ng embahada at POLO-OWWA matapos ang masusing imbestigasyon.

Hinihimok natin ang gobyernong Aquino na rebyuhin ang bilateral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia hinggil sa pag-rerekluta at deployment at proteksyon para matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng mga Filipino domestic worker.

Hinihimuk din natin ang Kongreso –ang Senado at Kamara –na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hindi lamang para sa pagbubuo ng batas kundi para maging paunang basehan ng pagsasampa ng administratibong kaso sa mga pabayang opsiyal ng embahada at POLO-OWWA.

Kung di magagawa ng gobyernong Aquino ang mga mungkahi natin, tunay ngang inutil eto!

Ngayong darating na Biyernes, October 30, bilang porma ng pagkondena, samahan nyo kami sa Black Friday Mourning at Protest o pagdadalamhati at protesta. Magsuot po tayo ng item na damit o di kaya item na arm band o head band. Ipadala po o i-tag ang Migrante-Middle East FB page ang inyong mga larawan ng protesta at mensahe ng pakikidalamhati sa pamilya ni OFW Rina.

Gamitin ang hash tag #HustisyaOFWRina

Hustisya para kay OFW Rina!

Hustisya para sa mga OFW na biktima ng karahasan at pang-aalipin!

​(Sgd) John Leonard Monterona
Migrante-Middle East coordinator

Facebook Comments