“Zero Remittance Day sa Middle East kasado na!”

Ito ang pahayag ng Migrante-Middle East (M-ME), malaking grupo na nagsusulong sa karapatan at kagalingan ng mga OFWs at kanilang pamilya.

“Bilang tugon sa malawak at lumalakas na panawagan ng mga OFWs laban sa pagpataw ng dagdag na buwis at random inspection sa mga Balikbayan boxes, ikinasa natin ang kampanyang ‘Zero Remittance Day’ (ZRD) sa Agosto 28, Biyernes eto. Kasado na ang mga kapwa OFWs natin sa Middle East na pangungunahan ng mahigit 1.2-M sa Saudi Arabia at 400,000 sa UAE, at maging sa ibat ibang bansa sa Asya-Pasipiko,Amerika, Canada, at Australia,” ani M-ME regional coordination John Leonard Monterona na naka-base sa Saudi Arabia.

Sabi ni Monterona kahit pa man iniutos na ni Pangulong Aquino ang pagpahinto ng random inspection nakaamba pa rin ang pagpataw ng karagdagang charges o bayarin sa pagpapadala ng Balikbayan box.

Zero Remittance Day

“Andyan pa rin ang pagpataw ng karagdagang clearing fees sa mga container van ng mga cargo forwarders base sa inilabas na utos ng Bureau of Customs (BOC); ipapataw ang P100,000 to P120,000 per container van,” sabi ni Monterona.

Aniya dahil sa pagpataw ng mataas ng clearing fees, ipapasa eto ng mga cargo forwarders sa pamamagitan ng pagtataas din ng bayarin per kilo ng mga Balikbayan box na dagdag magpapahirap sa mga OFWs.

“Target talaga ng BOC ang P600-M revenue sa taong eto, kukunin nila eto sa pagpataw ng karagdagang duty o buwis sa mga cargo forwarders container vans,” dagdag pa ni Monterona.

Ang ZRD ay isang conscious political action na mismong mga kapwa OFWs ang nagmungkahi nito. Mabisang panlaban eto sa patuloy na pagtrato ng PNoy govt na pawang ‘gatasang-baka’ ang mga OFWs, dagdag pa ni Monterona.

Dagdag ni Monterona, nauna nang itinaas ang mga bayarin sa Philhealth, paniningil ng Terminal fee bagamat itinakda ng Amended Migrant Workers Act or R.A. 10022 na exempted ang mga OFWs, pag-veto at pagkaltas sa Legal Assistance Fund (LAF) sa kabila ng maraming OFWs ang nangangailangan ng tulong legal at iba pang on-site assistance, dumarami ang biktima ng human trafficking at illegal recruitment, nagsusumamo ang mga stranded at undocumented OFWs na matulungan sila.

Paglilinaw ni Monterona na hindi maituturing na porma ng economic sabotage ang ZRD campaign. Eto ay sama-samang protesta at pagkilos laban sa sistematikong pangingikil at pagpapahirap sa mga OFWs ng kasalukuyang gobyerno ni PNoy.

“Ang Zero Remittance Day ay maihahalintulad sa ‘Boycott Liberal Party’ or ‘Zero Vote’ for Mar Roxas at LP candidates,” paghahambing ni Monterona.

Panoorin ang panawagan sa video: